Search This Blog

Tuesday, July 18, 2017

Contentment



Bakit kaya ang tao hindi makuntento sa kung anong meron sila. 


Laging hanap ng hanap ng mga bagay na wala sa kanilang pag-aari ngunit hindi natatanto na may sapat na silang pangangailangan sa buhay. Ito yung mga taong hindi naman sobrang hirap, nakakakain naman ng 3 hanggang 5 beses isang araw. Pangunahing problema nila ang mga luho nila. Luho sa katawan. Posesyon. Lifestyle.

Malamang hindi aamin ang iba sa atin na naiinggit sila sa kapwa nila. Masyado tayong mareklamo sa buhay, sa totoo lang. Sobrang reklamo natin sa pag taas ng bilihin, mataas na presyo ng bigas, karne, isda, sabon, gasolina, pamasahe. Pero kung susumahin, sa dami ng reklamo nila, madalas silang magpalit ng bagong cellphone. Gumagastos ng daan-daang load para lang sa mga walang kwentang bagay, sa koneksyon ng internet, cable TV, at iba pang gadgets. Sobrang tipid ng kain tapos makikita mong puro na lang gadgets ang hawak. Hindi lang luho ang pinoproblema, kundi pati bisyo. Sugal ng sugal kahit wala na daw silang pera. Mangungutang pa ng pang sugal, tapos pipilitin maka-isa sa kapwa. Kahit marami nang nararamdaman na di maganda sa katawan sige pa rin sa alak at sigarilyo. Magpupuyat kakalaro ng online games, kahit walang laman ang tiyan babad sa computer magdamag, walang kain maliban sa energy drink at sitsirya. Abusado sa katawan. Puyat sa walang kabuluhang bagay. Pag nagkasakit naman sinisisi ang gobyerno dahil walang magandang programa at libreng serbisyong pangkalusugan. Maraming gastusin, konti ang naipamimiling masustansyang pagkain at basic na pangangailangan sa loob ng pamilya, pero ibang klase pagdating sa luho nila. Kain sa masasarap na hain ng mga restaurant, halos lingguhan kung magsine sa mga mall, pero pag dinagdagan ng gobyerno ang tax umaalma ng husto.

Sa tingin ko wala namang masama kung pasayahin ang sarili minsan. Bigyan ng reward ang sarili at pamilya sa kabila ng pinansyal na katayuan. Hindi ako kontra dito sapagkat ako ma'y naghahanap din kaginhawaan at reward sa sarili. Ang problema dito ay ang pananaw natin sa luho, lifestyle at bisyo. At sa tingin ko wala tayong dapat ireklamo dahil tayo din ang gumagawa ng ikinahihirap natin. Kahit na dapat nating sisihin ang kurapsyon ng mga nakararaming politiko at pagsasamantala ng mga malalaking negosyante, hindi natin alam na pati tayo dumadagdag sa kahirapang ito. Kung tutuusin nga quits lang, dahil bawat isa nanglalamang sa kapwa, nang di mo namamalayan, sobrang liit man o sa malaking bagay.

Ang dapat nating pagibayuhin ay ang ligtas na pamilya, maayos at ligtas na tirahan, sapat na pagkain sa bawat mesa na kumpleto para sa araw-araw, matiwasay na komunidad, magandang edukasyon sa mga bata, walang krimen, maayos na trabaho na may mabuting kita, tamang mga kagamitan, transportasyon at komunikasyon. Pero di to mangyayari dahil KAHIRAPAN ang nagingibabaw sa nakararami at pananamantala at PANLALAMANG sa kapwa na meron tayo ngayon. Mawawala lahat ng negatibong ito kung lahat ay may pagkakapantay-pantay, parehas na pagtingin sa bawat isa, timbang na pagkilala sa pagkatao ng bawat isa. Wag nating abusuhin ang sarili at ang kapwa natin. Magkaroon tayo ng tunay na paki-alam sa bawat isa. Kahirapan ang puno't dulo ng lahat ng kasamaan sa mundo at ang takot na matabunan at malamangan ng kapwa. Ako ma'y pinagaaralan ang mga bagay na ito at gustong isa-puso.